Antenang Yagi-Uda
Ang Antenang Yagi-Uda, o mas kilala simple bilang isang Antenang Yagi, ay isang antenang direksiyonal na gawa sa isang aktibong elemento (kadalasan ay dipole o folded dipole) at mga karagdagan na parasitikong elemento (kadalasan isang reflector at isa o mas marami pang director). Hango ang pangalan nito sa mga nakaimbento nito, dahil ang antenang Yagi-Uda ay naimbento noong 1926 ni Shintaro Uda ng Tohoku Imperial University sa tulong ni Hidetsugu Yagi. Pero mas pamilyar ang mga tao sa pangalan na "Yagi" at kadalasan hindi na isinasama ang pangalan ni Uda. Ang reflector ng antenang Yagi ay mas mahaba nang kaunti (kadalasan ay mas mahaba ng limang porsiyento) kaysa sa aktibong dipole, habang ang mga director ay mas maikli nang kaunti. Mas nakakakamit ang disenyong ito nang mas mataas na direktibidad kapag ikinumpara sa isang simpleng dipole.
Madalas na tinatawag na "antenang beam" ang mga antenang mataas ang direktibidad tulad ng Yagi-Uda, dahil sa mataas na gain (o gana) nito. Subalit nakakamit lamang ng Yagi-Uda ang mataas na gain sa masikip na bandwidth, kaya mas magagamit ito sa mga iba't ibang bands ng komunikasyon (katulad ng radyong amateur), pero hindi ito kasing-angkop ng mga tradisyonal na saklaw ng radyo at telebisyon. Kadalasan, ginagamit ito ng mga ham operator para sa komunikasyon sa HF, VHF at UHF na frequency, at kadalasan sila mismo ang gumagawa ng sarili nilang mga antena ("homebrewing"), na nagdulot sa paglaganap ng mga teknikal na papel at program. Ang mga antenang Wideband na ginagamit sa mga VHF/UHF na broadcast tulad ng antenang log-periodic ay kadalasang napaglilito sa antenang Yagi dahil sa kanilang pagkakahawig. Ang disenyong iyon, tulad ng mga ibang phased array ay gumagamit ng mga koneksiyon sa bawat elemento, habang ang antenang Yagi naman ay gumagana batay sa elektromagnetikong interaksiyon sa pagitan ng mga parasitikong elemento at aktibong elemento.
Deskripsiyon
Direksiyonal ang mga antenang Yagi sa patayong axis mula sa dipole sa kapatagan ng mga elemento, mula sa replektor papunta sa aktibong elemento at sa direktor. Ang karaniwang awang sa pagitan ng mga elemento ay nagbabago mula sa 1/10 hanggang 1/4 ng isang wavelength, depende sa espisipikong disenyo. Mas maikli ang sukat ng mga direktor kaysa sa aktibong elemento, na mas maikli sa replektor, ayon sa masusing pagdidisenyo. Ang mga elementong ito ay kadalasang nakahanay sa isang patag na sinusuportahan ng isang mahabang rehas na tinatawag na boom.
Ang bandwidth ng isang antenang Yagi ay tumutukoy sa saklaw na mga frequency kung saan hindi nababago ang kanyang gain. Sa kanyang simpleng pagkakaayos, narrowband ang antenang Yagi at bumababa na agad ang kalidad ng pagtanggap at pagbato ng signal kapag lumayo ka sa frequency kung saan siya ay dinesenyo. Pwedeng pataas ang bandwidth ng antena sa paggamit ng mga mas malalaking konduktor o mga iba pang teknik.
Ang mga antenang Yagi-Uda na ginagamit sa radyong amateur ay kadalasang dinidisenyo para gumana sa mararaming band. Ang mga magarang disenyo na ito ay gumagawa ng mga elektrikong hati sa bawat elemento, kung saan ang naglalagay ng isang magkatapat na LC (induktor at kapasitor) na circuit. Ang tinatawag na trap na ito ay may epekto ng pagbawas ng elemento sa bandang mas mataas na frequency, at nagiging kalahating-wavelength ang haba nito. Sa mas mababang frequency naman, malapit sa half-wave resonance ang buong elemento (kasama ang natirang inductance dahil sa trap), at dahil dito gumagana siya bilang ibang klaseng antenang Yagi. Kapag gumami ka ng isa pang trap makakagawa ka ng isang antenang triband na kumakagat sa tatlong magkakaibang band. Praktikal na solusyon ang pagsasama-sama ng tatlong band sa isang antena sa harap ng mga iba't-ibang kailangang bayarin kapag magtatayo ka ng isang antenna. May mga kahinaan rin ang paggamit ng trap, dahil binababaan nito ang bandwidth ng atena sa mga indibidwal na band at binababaan nito ang husay ng atena.