Aphroditos
Si Aphroditus, Aphroditos (Sinaunang Griyego: Ἀφρόδιτος), Aproditus, o Aproditos ay isang lalaking Aphrodite na nagmula sa Amathus na nasa pulo ng Tsipre at ipinagdiriwang sa Atenas sa isang rito ng mga lalaking nagsusuot ng damit na pambabae.
Inilalarawan si Aphroditus bilang isang hugis ng babae at nakadamit na pambabae na katulad ni Aphrodite subalit mayroong balbas at galit na titi, kung kaya't may pangalang panlalaki.[1] Ang diyus-diyosang ito ay maaaring nakarating sa Atenas mula sa Tsipre noong ika-4 ng daantaon BK. Subalit, noong ika-5 daantaon BK, mayroong hermae o herma ni Aphroditus, o mga estatwang phallic o mayroon hugis ng galit na titi na may ulo ng isang babae.[2]
Ayon kay Macrobius na bumanggit sa diyosa sa kanyang Saturnalia, si Philochorus sa kanyang Atthis (na tinukoy ni Macrobius) ay kumilala sa lalaki-babaeng diyos na ito bilang may kaugnayan sa Buwan, nagsabing sa mga pagsasakripisyo o pag-aalay ay nagpapalitan ng mga kasuotan ang mga lalaki at mga babae, na ang mga lalaki ay magdadamit pambabae habang ang mga babae ay magsusuot ng kasuotang panlalaki.
Si Philostratus, sa paglalarawan ng mga rituwal na kasangkot sa mga pestibal, ay nagsabi na ang imahe o ang impersonador o gumagaya ng diyos na ito ay may kasamang isang malaking kahanayan ng mga tagasunod kung saan ang mga babae ay nakikisalamuha sa mga lalaki dahil pinahihintulutan ng kapistahan na gumanap ang kababaihan bilang mga lalaki, at ang kalalakihan ay magsusuot ng damit na pambabae at gaganap bilang babae.[3]
Si Aphroditus ay katulad ng mas nahuling diyos na si Hermaphroditus, na ang pangalan ay may kahulugang "si Aphroditus sa anyo ng isang herma" - isang istatwa na hinugisan bilang isang parihabang talukod o haligi na may pang-ibabaw o ituktok na isang ulo o busto, at unang lumitaw sa mga tauhan ni Theophrastus.[4] Ipinaliwanag din ni Photius na si Aphroditus ay si Hermaphroditus (o iisa lamang), at nagbanggit ng mga piraso mula sa Atikong mga komendya na bumanggit sa banal na ito.[5] Sa lumaon pang mga mitolohiya, itinuring si Hermaphroditus bilang anak na lalaki nina Hermes at Aphrodite.[6]
Isa sa pinakamaagang nananatili pang imahe mula sa Atenas ay ang isang piraso (mula sa huli ng ika-4 na daantaon BK), na natagpuan sa agorang Atenyano, ng isang hulmang putik para sa isang piguring terakota. Ang pigurin o maliit na estatwa ay maaaring nakatindig na nasa 30 mga sentimetro ang taas, na kumakatawan sa isang estilong nakikilala bilang άνασυρόμενος (anasyromenos) na isang babaeng nag-aangat ng pangharapan ng kanyang damit upang ibunyag ang kanyang nakatayong titi.[7]
Mga sanggunian
- ↑ Cross dressing, sex, and gender ni Vern L. Bullough, Bonnie Bullough (1993) p. 29 Google books
- ↑ The International journal of psycho-analysis, Volume 28 by Baillière, Tindall (1947) p. 150 Google books
- ↑ Cross dressing, sex, and gender ni Vern L. Bullough, Bonnie Bullough (1993) p. 29 Google books
- ↑ Characters by Theophrastus, James Diggle, Cambridge University Press (2004) p. 366 Google books
- ↑ Scythians and Greeks: cultural interactions in Scythia, Athens and the early Roman empire (sixth century BC - first century AD) ni David Braund (2005) p. 78 Google books
- ↑ Three books of occult philosophy ni Heinrich Cornelius Agrippa von Nettesheim (1993) p. 495 Google books
- ↑ Characters by Theophrastus, James Diggle, Cambridge University Press (2004) p. 367-68 Google books
Mga kawing panlabas
- (sa Ingles) 1911 Encyclopædia Britannica
- (sa Ingles) Dictionary of Greek and Roman Biography and Mythology
- (sa Ingles) Roman myth index: Barbata Naka-arkibo 2011-05-15 sa Wayback Machine.