Giambattista Basile

Si Giambattista Basile (Pebrero 1566 – Pebrero 1632) ay isang Italyanong makata, kortesano, at kolektor ng mgakuwentong bibit. Kasama sa kaniyang mga koleksiyon ang mga pinakalumang naitalang anyo ng maraming kilalang (at mas 'di-kilala) na mga kuwentong-bibit sa Europa.[1]

Talambuhay

Ipinanganak sa Giugliano sa isang Napolitanong gitnang-uring pamilya, si Basile ay isang kortesano at sundalo sa iba't ibang mga prinsipe ng Italyano, kabilang sa Doge ng Venecia. Ayon kay Benedetto Croce siya ay ipinanganak noong 1575, habang ang iba pang mga sanggunian ay nagtatakdang Pebrero 1566. Sa Venecia nagsimula siyang magsulat ng tula. Nang maglaon ay bumalik siya sa Napoles upang maglingkod bilang courtier sa ilalim ng pagtangkilik ni Don Marino II Caracciolo, prinsipe ng Avellino, kung kanino niya inialay ang kanyang idilyong L'Aretusa (1618). Sa oras ng kaniyang kamatayan naabot niya ang ranggo ng "konde", Conte di Torrone.

Ang pinakaunang kilalang pampanitikang produksiyon ni Basile ay mula noong 1604 sa anyo ng paunang salita sa Vaiasseide ng kaniyang Napolitanong kaibigang manunulat na si Giulio Cesare Cortese. Nang sumunod na taon ang kaniyang villanella Smorza crudel amore ay itinakda sa musika at noong 1608 ay inilathala niya ang kaniyang tula na Il Pianto della Vergine.

Siya ay higit na naaalala sa pagsulat ng koleksiyon ng mga Napolitanong kuwentong bibit na pinamagatang Lo cunto de li cunti overo lo trattenemiento de peccerille (Napolitano para sa "Ang Kuwento ng mga Kuwento, o Pang-aaliw para sa mga Munti"), na kilala rin bilang Il Pentamerone na postomong inilathala sa dalawang tomo ng kaniyang kapatid na babae na si Adriana sa Napoles, Italy noong 1634 at 1636 sa ilalim ng alyas na Gian Alesio Abbatutis. Nang maglaon ay nakilala ito bilang Pentamerone. Bagaman napabayaan sa loob ng ilang panahon, ang obra ay nakatanggap ng malaking atensiyon matapos itong purihin ng mga Magkapatid na Grimm bilang unang pambansang koleksiyon ng mga kuwentong-bibit. [2] Marami sa mga kuwentong-bibit na ito ang pinakalumang kilalang variant na umiiral. [3] Kabilang dito ang pinakaunang kilalang Europeong bersiyon ng Rapunzel at Cinderella na may Tsinong bersiyon ng Cinderella mula 850–60 AD.[4]

Si Giambattista Basile ay gumugol ng maraming oras sa mga korte ng mga maharlika ng kaharian ng Napoles; ang mga kuwento ng Pentamerone ay makikita sa kakahuyan at kastilyo ng Basilicata, partikular sa lungsod ng Acerenza.

Mga sanggunian

Pasilip ng sanggunian

  1. Steven Swann Jones, The Fairy Tale: The Magic Mirror of Imagination, Twayne Publishers, New York, 1995, ISBN 0-8057-0950-9, p38
  2. Croce 2001.
  3. Swann Jones 1995.
  4. See Ruth Bottigheimer: Fairy tales, old wives and printing presses. History Today, 31 December 2003. Retrieved 3 March 2011. Subscription required.