Kabihasnang Etrusko

Mga istatuwa ng magkatabing babae at lalaking Etrusko. Isa itong sarkopago.

Ang mga Etrusko (Ingles: Etruscans) ay ang pinakamahalagang mga tao sa sinaunang Italya noong bago dumating ang sinaunang mga Romano. Namuhay sila sa Etruria, na kilala sa kasalukuyan bilang Tuskanya. Nagtatag sila ng isang makapangyarihang imperyo sa hilagang-kanluran ng Italya. Sila ang unang mga naghari sa Roma. Nasa kaganapan ang kanilang imperyo noong mga 500 BK. Pagsapit ng mga 300 BK, nasanib ang Imperyong Etrusko sa kabihasnan ng sinaunang Roma.[1]

Mga pangalan

Tinawag ng sinaunang mga Romano ang mga Etrusko bilang mga taong Tusci, ang pinag-ugatan ng pangalan para sa pangkasalukuyang Tuskanya. Tinawag naman sila ng sinaunang mga Griyego bilang mga Tireneano o mga Tyrrenian, ang pinagmulan ng pangalan ng isang dagat na nasa may Tuskanya.[2]

Pinagmulan

Walang sinuman ang nakatitiyak sa pinagmulan ng mga Etrusko, subalit nakapag-iwan sila ng maraming bilang ng mga panitik o inskipsiyong hindi pa ganap na nauunawaan ng mga dalubhasa.[1][2]

Ayon sa sinaunang mga may-akda, nagmula ang mga Etrusko sa silangan. Batay sa Griyegong manunulat ng kasaysayang si Herodotus, nagmula ang mga ito sa Lydia ng Asya Menor. Idinagdag pa ni Herodotus na pinamunuan ni Haring Tyrsenos ang mga Etrusko sa kanilang paglalakbay na ito. Isinulat naman ni Dionysius ng Halicarnassus na katutubong mga Italyano ang mga ito. May mga makabagong mananaliksik na nagpapanukalang nagmula sila sa hilagang papuntang Italya.[2]

Dahil sa mga nabanggit sa itaas, mas malamang na kinalabasan o resulta ng pinagsama-samang mga katutubo at mga imigranteng populasyon ang mga Etrusko, isang pagsasanib at paghahaluhalong na naganap noong panahong Villanovano.[2]

Sa kalaunan, lumitaw ang mga Etrusko bilang mga taong may kalinangang may kaugnayan ngunit may kaibang katangian din mula sa iba pang mga Italiko o Italyanong mga tao. Nagkaroon din sila ng kaugnayan at pagkakaiba mula sa mga kabihasnan ng Silangan at ng mga Sinaunang Griyego.[2]

Nagbuhat ang karamihan sa mga nalalaman ng mga pangkasalukuyang dalubhasa ukol sa mga ito mula sa naiwang mga gawang-sining ng mga Etrusko. Lumilok silang gumagamit ng mga terakota, tansong-pula, bakal. Nakapag-iwan din sila ng mga alahas. Pinalamutian nila ng mga dibuho ang kanilang mga libingan para sa mga yumao.[1]

Lupaing sakop

Naging pinapuso o lundayan ng mga Etrusko ang teritoryong nasa pagitan ng mga Ilog ng Arno at ng Tiber, nasa gitnang Italya.[2] Nakipagkalakalan sila sa iba't ibang mga lugar na nakapaligid sa Mediteraneo sa pamamagitan ng paglalayag sa karagatan.[1]

Wika

Ang panitik ng wikang Etrusko.

Hinango sa anyo ng panitik na Griyego ang nasusulat na wika ng mga Etrusko. Subalit hindi ito kamag-anakan ng pamilya ng mga wikang Indo-Europeo.[2]

Tingnan din

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who Were the Etruscans?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767., pahina 17.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya (2005). "The Art of the Etruscans, Italy Before the Romans". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907., pahina 233.