Reumatolohiya

Ang reumatolohiya (Kastila: Reumatología, Ingles: rheumatology) ay isang mahalagang sangay na espesyalidad sa medisinang panloob at pedyatriko, na nakatuon ang pansin sa diyagnosis at terapiya (panggagamot) ng mga karamdamang rayuma o artritis. Pangunahing pinag-aaralan, sinusuri, at ginagamot ng mga dalubhasa rito - tinatawag na mga rayumatolohista, rayumatologo, reumatologo, o reumatologo (duktor ng rayuma, mula sa Ingles na rheumatologist) - ang mga suliraning kinabibilangan ng mga ugpungan ng buto, malambot na mga tisyu at kaakibat na mga kalagayan may kaugnayan sa mga tisyung pangugpong na nasa loob ng katawan ng tao. Nagmula ang rayumatolohiya sa Ingles na rheumatology, na nagbuhat naman sa Griyegong rheuma (katumbas ng rayuma[1][2] o reuma) na nangangahulugang "yung dumadaloy na katulad ng isang ilog o batis" na dinugtungan ng hulaping -ology (katumbas ng -olohiya) na may ibig sabihing "ang pag-aaral ng."

Isang internista o pedyatrisyan (pedyatrista) ang rayumatologo na may kakayahan at kasanayan sa paggagamot ng artritis at iba pang mga karamdaman sa mga kasukasuan, mga masel at buto. Nagsasagawa rin ang mga ito ng mga pananaliksik upang mapag-alaman ang sanhi ng mga karamdamang ito na nakakapinsala at nakakapagdulot ng kapansan, na nakamamatay din. Dumaraan sila sa apat na taong pag-aaral sa mga paaralan ng panggagamot at dagdag pang tatlong taon ng karagdagang pagsasanay sa larangan ng panloob na medisina o pediyatriko. Bukod dito, pinagtutuonan pa nila ng pansin ang dagdag pa uling mga dalawa hanggang tatlong taon sa pagsasanay sa mismong espesyalidad ng rayumatolohiya. Pagkaraan, kumukuha sila ng pagsusulit upang magkaroon ng lisensiya sa panggagamot. Ginagamot ng mga rayumatologo ang artritis, mga partikular na karamdamang awto-imyuno (mga sakit kung saan kinakalaban ng katawan ng isang organismo ang sariling mga selula; hindi nakikilala ng organismo ang sariling mga selula at tisyu), osteoporosis, mga karamdamang may paghapdi ng mga kalamnan (masel) at mga buto. Kabilang din sa mga sakit na ito ang rayumatikong artritis, osteoartritis, piyo, sistemikong lupus, pananakit ng likod, pibromiyalgiya (fibromyalgia), tendonitis, at paninigas o ankilosis (ankylosis o anchylosis sa Ingles) katulad ng ankilosing ispondinitis (dinadaglat na AS; dating tinatawag na sakit ni Bechterew, sindromeng Bechterew, at karamdamang Marie Strümpell, isa itong uri ng spondiloartritis).[3]

Nakikiisa ang rayumatologo sa mga pasyente upang matuklasan ang suliraning pangkaramdaman ng taong nagpapatingin sa manggagamot, at para maihanda at maisagawa ang pinakatiyak na programa ng pagbibigay-lunas sa indibidwal. Nakikipagtulungan din ang mga rayumatologo sa iba pang mga manggagamot, bilang tagapagpayo o kaya bilang isang tagapangasiwang katuwang ng mga nars, mga terapistang pangkatawan (terapistang pisikal), terapistang okupasyonal (may kaugnay sa trabaho ng pasyente), sikolhista, manggagawang panlipunan. [3]

Sanggunian

Mga kawing panlabas