Tatlong Lihim ng Fatima
Ang Tatlong Lihim ng Fatima ay naglalaman ng serye ng apokaliptikong bisyon at propesiya na pinaniniwalaan ng ilan na ibinigay sa tatlong batang pastol sa Portugal, na sina Lucia Santos at kaniyang mga pinsang sina Jacinta Marto at Francisco Marto, sa pamamagitan ng isang aparisyon ng Birhen Maria, na nagsimula noong 13 Mayo 1917. Ayon sa tatlong bata, sila'y anim na ulit na pinagpakitaan ng Birhen Maria sa pagitan ng Mayo at Oktubre 1917. Ang naturang aparisyon sa kilala na ngayong Birhen ng Fatima.by MARIANNE LUBON!
Ayon sa opisyal na interpretasyon ng Simbahang Katolika, ang tatlong lihim ay hinggil sa Impiyerno, Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II, at ang tangkang asasinasyon kay Papa Juan Pablo II.
Noong 13 Hulyo 1917, bandáng tanghaling tapát, sinasabing ipinagkatiwala ng Birheng Maria ang tatlong lihim. Dalawa sa mga lihim ay inilantad noong 1941 sa isang dokumentong isinulat ni Lúcia, sa kahilingan ni José Alves Correia da Silva, Obispo ng Leiria, upang makatulong sa paglalathala ng bagong edisyon ng aklat na patungkol kay Jacinta.[1] Nang tanungin ng obispo ang tungkol sa paglalantad ng ikatlong lihim, panandaliang nahirapan si Lúcia, dahil aniya "hindi pa siya kumbinsidong pinahihintulutan siya ng Diyos na gawin ito."[2] Subalit noong Oktubre 1943, inutusan siya ng Obispo na isulat ito.[3] Sinulat ni Lúcia ang lihim at isinilid sa sobre na di-bubuksan hanggang 1960, kung kailang "magkakaroon na ng kaliwanagan."[4] Inilabas ni Papa Juan Pablo II ang opisyal na teksto ng ikatlong lihim noong 2000, ngunit ang ilan ay hindi naniniwalang ito ang kabuuan ng lihim na ibinunyag ni Lúcia, sa kabila ng paulit-ulit na pagsasalungat ng Vaticano.
Sa paniniwala ng ilan, ang mga sinasabing propesiya at ang kanilang aktuwal na pagsasakatuparan ay nakasalalay sa personal na kahilingan ng Birhen Maria na pagtatalaga ng Rusya sa kaniyang Kalinis-linisang Puso.
Hanggang sa ngayon, pinabubulaanan ng ilang deboto ng Fatima na hindi pa ganap ang pormal na pagtatalaga ng Rusya. Sinasabi ng ilan na ang iba-ibang pagtatalagang ginawa ng mga kamakailang Santo Papa ay hindi sapat upang tuparin ang di-umano'y pinakakahilingang ng Birhen Maria. Ang ilan nama'y itinuturing na itong walang saysay dahil sa naganap na aktuwalisasyon sa Ikalawang Konsilyo Vaticano at Digmaang Pandaigdig II.
Unang lihim
Ang unang lihim ay bisyon ng Impiyerno:
Ipinakita ng Mahal na Birhen ang isang malawak na dagat ng apoy na mukhang nasa ilalim ng lupa. Lumalangoy sa apoy na ito ang mga demonyo at mga kaluluwa na anyong tao, na tila'y tagusang bagàng nagliliyab, lahat ay itiman o sunóg na tanso, naglulutangan sa lagablab, ngayo'y itinitilapon ng hanging nagmumula sa liyáb na galing din sa kanila kasama ng iba pang malalaking usok, ngayo'y nahuhulog muli sa bawat tagiliran na tila'y nagkikislapan sa dambuhalang apoy, walang bigat o balanse, ito'y sa gitna ng tilian at pagdaíng dahil sa sakit at desperasyon, na nagpasindak sa amin at nagpanginig sa amin sa takot. Matatangi mo ang mga demonyo sa kanilang nakatatakot at nakapandidiring pagkakahawig sa mga nakatatakot at di-mabatid na hayop, lahat ay kulay itim at tagusan. Saglit na tumagal ang bisyon na ito. Paano ba kaming lubos na magpapasalamat sa Mahal na Ina, na naghanda na sa amin nang pangakuan kami sa unang Aparisyon na kami'y dadalhin sa langit. Kung hindi, sa tingin ko'y mamatay kami sa takot at hilakbot.[5]
Ikalawang lihim
Ang ikalawang lihim ay ang pahayag sa pagtatapós ng Unang Digmaang Pandaigdig, kasama ang prediksiyon ng isa pang digmaan sa panahon ni Papa Pio XI, kung patuloy na dudustahin ng tao ang Diyos at kung hindi maitatalaga ang Rusya. Ang ikalawang bahagi ay ang kahilingang konsagrasyon ng Rusya sa Kalinis-linisang Puso.
Nakita ninyo ang impiyerno kung saan napupunta ang kaluluwa ng mga makasalanan. Upang mailigtas sila, nais ng Diyos na magkaroon ng debosyon sa buong mundo sa aking Kalinis-linisang Puso. Kung mangyayari ang sinabi ko sa inyo, maraming kaluluwa ang maliligtas at magkakaroon ng kapayapaan. Magtatapós ang digmaan: ngunit kung hindi titigilan ng tao ang pagdusta sa Diyos, isang higit na malalang digmaan ang sisiklab sa panahon ni Papa Pio XI. Kapag nakita ninyo ang gabi na iilawan ng di-malamang liwanag, ito ang tandâng ibinigay sa inyo ng Diyos na parurusahan niya ang mundo sa mga kasalanan nito, sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at pagpapahirap sa Simbahan at sa Santo Papa. Upang maiwasan ito, hihilingin kong italaga ang Rusya sa aking Kalinis-linisang Puso, at ang Pangongomunyon ng pagbabayad-puri tuwing Unang Sabado. Kung diringgin ang aking mga kahilingan at magbabalik-loob ang Rusya, magkakaroon ng kapayapaan, dahil kung hindi, palalaganapin niya ang kaniyang kamalian sa buong mundo, na magiging sanhi ng mga digmaan at pagpapahirap sa Simbahan. Magiging martir ang mabubuti; magdurusa ng husto ang Santo Papa; maraming bansa ang malilipol. Sa katapusan, magtatagumpay ang aking Kalinis-linisang Puso. Itatalaga ng Santo Papa ang Rusya sa akin, at siya'y magbabalik-loob, at bibiyayaan ng panahon ng kapayapaan ang daigdig.[6]
Mga sanggunian
- ↑ Zimdars-Swartz, Sandra L., Encountering Mary (1991), pg. 199
- ↑ Zimdars-Swartz, Sandra L., Encountering Mary (1991), pg. 203
- ↑ Zimdars-Swartz, Sandra L., Encountering Mary (1991), pg. 204
- ↑ Zimdars-Swartz, Sandra L., Encountering Mary (1991), pgs. 208–209.
- ↑ Santos, Fatima in Lucia's Own Words I (2003), pg. 123.
- ↑ Santos, Fatima in Lucia's Own Words I (2003), pgs. 123–124.