Tore ng Babel

Ang Tore ng Babel na iginuhit ni Pieter Brueghel ang Nakatatanda (1563).

Ang Tore ng Babel[1] (Hebreo: מגדל בבלMigdal Bavel Arabe: برج بابلBurj Babil), ayon sa kabanata 11 ng Aklat ng Henesis ng Lumang Tipan ng Bibliya, ay isang malaking toreng itinayo sa lungsod ng Babel, ang pangalang Hebreo para sa Babilonya (sa Akadyano: Babilu). Batay sa salaysay ng Bibliya, isang nagkakaisang sangkatauhan, na nagsasalita ng "iisang wika at salita" lamang at lumipat mula sa silangan, ang nakilahok sa pagtatayo nito pagkaraan ng Malaking Baha. Tinatawag din ang pagtatayo ng Tore ng Babel bilang "simula" ng kaharian ni Nemrod[1] (o Nimrod). Pinagpasyahan ng mga taong magkaroon ng isang mataas at malaking tore ang kanilang lungsod na "Magtayo tayo ng isang lunsod at ng isang tore na ang taluktok ay aabot sa mga langit!" Subalit, itinayo ang tore hindi para sa pagsamba at pagpupuri sa Diyos, sa halip para sa kaluwalhatian ng tao, na may hangarin o motibong gumawa ng "pangalan" para sa mga tagapagtayo: "Igawa natin ang ating sarili ng isang pangalan, baka tayo magkahiwa-hiwalay sa balat ng lupa." (Henesis 11:4). Nang makita ang ginagawa ng tao, ginulo at pinag-iba-iba ng Diyos ang kanilang mga wika at "pinaghiwa-hiwalay sa balat ng lupa mula sa pook na yaon".[1] Orihinal na layunin ng Diyos na palakihin o paramihin at punuin ng tao ang mundo. Sa mga kasulatang Hebreo, inilalarawan si Nemrod bilang isang malaakas o "bantog na mangangaso" sa "harap ng Panginoon".[1]

May akda

Ayon sa hipotesis na dokumentaryo[2] ang Pentateuch ay nagmula sa mga apat na sanggunian, ang J, E, P at D. Sa mga apat na ito, ang salaysay ng Tore ng babel ay pinaniniwalaang nagmula sa J o "pinagkunang Yahwist" na isinulat noong mga ika-6 siglo BCE hanggang ika-5 siglo BCE.[3] Ang etiolohikal na kalikasan ng salaysay ay itinuturing na tipikal sa J.[4]

Mitong Sumeryo

Ang mas naunang umiral na mitong Sumeryo na Enmerkar at ang Panginoon ng Aratta ay katulad ng kuwento at posibleng kinopya o nakaimpluwensiya sa kalaunang kuwento ng Tore ng Babel sa Tanakh. Ang E-ana ay isang ziggurat sa Uruk sa Sumerya na itinayo bilang pagpaparangal sa Diyosang si Inanna na "Babae ng lahat ng mga lupain". Gayundin, ang panginoon ng Aratta ay nagkorona sa kanyang sarili sa ngalan ni Inanna ngunit hindi nalugod ang Diyosang si Inanna dito tulad ng sa kanyang templo sa Uruk. Kaya si Enmerkar ay "pinili ni Inanna mula sa kanyang banal na puso mula sa maliwanag ng kabundukan". Hiniling ni Enmerkar kay Innana na ipailalim sa kanya ang Aratta at paghatirin ang mga tao ng Aratta ng isang tributo ng mga mahahalagang metal at hiyas para sa pagtatayo ng isang matayog na Abzu ziggurat ni Enki sa Eridy gayundin para sa pagpapalamuti ng sariling santuwaryo ni Inanna sa Uruk. Pinayuhan ni Inanna si Enmerkar na magpadala ng isang sugo sa mga kabundukan ng Susin at Anshan sa panginoon ng Aratta upang hilingin ang kanyang pagpapailalim at ang kanyang tributo. Si Enmerkar ay pumayag at nagpadala ng sugo kasama ng mga spesipikong banta na wawasakin ang Aratta at papakalatin ang mga tao kung hindi sila magpapadala sa kanya ng tributo. Sa karagdagan, siya ay bibigkas ng isang "Inkantasyon ng Nudimmud" na isang himnong nagsusumamo kay Enki na ibalik ang pagkakaisa sa wika ng mga tinatahanang rehiyon na pinangalanang Shubur, Hamazi, Sumerya, Uri-ki (ang rehiyon sa palibot ng Akkad) at ang lupaing Martu: "Ang buong uniberso, ang mahusay na nabantayang mga tao— nawa'y kanilang magkakasamang pagsalitaan si Enlil sa isang wika."[5]

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Abriol, Jose C. (2000). "Ang Tore ng Babel, malalakas na mangangaso sa harap ng Panginoon: isang bantog na mangangaso". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077., pahina 22-23.
  2. Benkinsopp, Joseph. "Introduction to the Pentateuch" in General and Old Testament Articles Vol 1 of The New Interpreter's Bible Commentary, edited by Leander E. Keck et al. (Nashville: Abingdon Press, Nashville 1994). p310
  3. Baden, pp. 305–313
  4. Coogan, M. A Brief Introduction to the Old Testament: The Hebrew Bible in its Context. (Oxford University Press: Oxford 2009). p51
  5. 145f. Naka-arkibo 2021-03-03 sa Wayback Machine.: an-ki ningin2-na ung3 sang sig10-ga den-lil2-ra eme 1-am3 he2-en-na-da-ab-dug4.