Dorothy Day
Dorothy Day | |
---|---|
Kapanganakan | Dorothy Day 8 Nobyembre 1897 Brooklyn, New York sa Estados Unidos |
Kamatayan | 29 Nobyembre 1980 |
Nasyonalidad | Amerikano |
Trabaho | mamamahayag |
Si Dorothy Day (8 Nobyembre 1897 - 29 Nobyembre 1980) ay isang Amerikanang mamamahayag, aktibista at lumipat sa Katolisismo.
Unang yugto ng buhay
Ipinanganak si Dorothy Day noong Nobyembre 8, 1897 sa Brooklyn Heights sa Brooklyn, New York sa Estados Unidos. Ang kanyang mga magulang ay sina John Day at Grace Satterlee Day. Mayroon siyang apat na kapatid.[1][2][3]
Kapag hindi inaalagaan ni Dorothy Day ang kanyang nakababatang kapatid ay binabasa niya ang mga gawa nina Hugo, Dickens, Stevenson, Cooper, Poe, at Sinclair Lewis.[1]
Nakapag-enrol si Dorothy Day sa Unibersidad ng Illinois noong 1914 sa edad na 16 taong gulang dahil sa iskolarsip.[1][2]
Noong 1918 ay nagsimulang magsanay si Dorothy Day ng pagiging nars sa Kings County Hospital sa Brooklyn noong siya'y 20 taong gulang.[2]
Sina Dorothy Day at Forster Battingham ay nagkaroon ng relasyon o common-law marriage. Ipinanganak noong March 3, 1927 ang kanilang anak na pinangalanang Tamar Teresa.[1][2]
Mamamahayag
Bilang malayang mamamahayag (Ingles: freelance journalist) ay nagpunta si Dorothy Day sa Washington noong 1932 para isulat ang nangyayaring National Hunger March doon kung saan 3,000 na walang trabahong kalalakihan ang nasa kalsada nang dalawang araw at gabi habang naghihintay ng permisong makapagmartsa para tumawag ng atensiyon sa kanilang pangangailangan ng tulong ng gobyerno.[4]
Catholic Worker
Itinatag nina Dorothy Day at Peter Maurin ang Catholic Worker noong 1933 na naglathala ng unang isyu noong Mayo 1, 1933 na mayroong 2,500 na kopya.[4][5][1]
Umabot sa 190,000 ang subskripsiyon sa Catholic Worker noong 1938 bagamat bumaba ito sa 50,000 noong 1942 dahil sa pagsasapubliko ni Day ng kanyang mga puna tungkol sa digmaan.[6]
Naglalaman din ito ng mga artikulo na hindi kasiya-siya sa Simbahang Katolika.[7]
Aktibista
Dahil sa isang protesta para sa pagboto ng mga kababaihan ay nasintensiyahan si Dorothy Day ng 30 na araw ng pagkakulong. Habang papunta siya sa isang malawakang protesta para sa kapayapan noong sumunod na taon ay sinaktan naman siya sa tadyang ng isang pulis.[6]
Nanatiling pasipista si Dorothy Day noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na naging dahilan para mangalap ng impormasyon tungkol kay Day na umabot sa tatlong dekada ang Federal Bureau of Investigation.[6]
Paglipat sa Katolisismo
Pinabinyagan ni Dorothy Day ang anak nila ni Battingham na si Tamara bilang Katoliko sa kabila ng matinding pagtutol ni Battingham.[4] Noong Disyembre 1927 ay nagpabinyag din si Dorothy Day bilang Katoliko sa isang nayon sa Tottenville sa Staten Island sa New York sa tulong ng isang madre at apat na pari.[2][4]
Noong 1932 nang nagtungo si Dorothy Day sa Washington para isulat ang nangyayaring National Hunger March ay nagpunta siya sa Pambansang Dambana ng Imakulada Konsepsiyon (Ingles: National Shrine of the Immaculate Conception) para humiling sa Diyos na ipakita sa kanya kung paano maging higit na aktibo sa pagpapagaan ng pagdurusa na kanyang nakikita noong panahon ng Depresyon.[4]
Pagbalik ni Dorothy Day sa New York ay nakilala niya si Peter Maurin noong Disyembre 9, 1932. Naengganyo si Day sa mga sinasabi ni Maurin lalo na sa mga tanong nito tungkol sa pagdurusa ng tao, ang kaalaman nito sa Katolisismo at ang paniniwala nito sa kahalagahan ng edukasyon para sa pagbabago sa lipunan. Dahil sa pagiging mamamahayag ni Day ay naakit ito sa mga plano ni Maurin para sa isang pahayagang Katoliko na tutugon sa mga mahahalagang isyu ng simbahan at ng mundo. Itinuring ni Dorothy Day na ang tunay na paglipat niya sa Katolisismo ay noong araw na nakilala niya si Peter Maurin.[4]
Catholic Worker Movement
Itinatag nina Dorothy Day at Peter Maurin ang Catholic Worker Movement.[5]
Mayroong tinatayang 203 na komunidad ang Catholic Worker at malapit sa 250 na mga bahay ng mabuting pakikitungo (Ingles: houses of hospitality) ang naitayo bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga nagugutom at naghihikahos na mga tao.[5][7]
Walang iniwang anumang tuntunin o direksyon para sa mga komunidad ng Catholic Worker si Dorothy Day subalit ang isinasabuhay at itinataguyod niyang tuntunin ay nakapaloob sa Ebanghelyo lalo na sa Sermon sa Bundok at sa kabanata 25 ng Mateo.[5]
Kamatayan
Noong Setyembre 1976 ay nagkaroon ng banayad na atake sa puso si Dorothy Day na sinundan ng malubhang atake sa puso noong 1977. Namatay siya noong Nobyembre 29, 1980 sa Lower Manhattan sa edad na 83 taong gulang.[2][4]
Mga sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 "The Life and Spirituality of Dorothy Day – Catholic Worker Movement". catholicworker.org. Nakuha noong 2024-03-09.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link) - ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 Miller, William (2022-12-08). "Dorothy Day's obituary from 1980: 'All Was Grace'". America Magazine. Nakuha noong 2024-03-09.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link) - ↑ Kent, Deborah (1996). Dorothy Day Friend to the Forgotten. United Sates of America: Eerdmans Books for Young Readers, Wm. B. Eerdmans Publishing Company. ISBN 0802852653.
{cite book}
: CS1 maint: date and year (link) - ↑ 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 4.6 Lefevere, Patricia (November 26, 2020). "The rumble in Dorothy Day's soul still quakes 40 years after her death". National Catholic Reporter. Nakuha noong 2024-03-09.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link) - ↑ 5.0 5.1 5.2 5.3 "Dorothy Day – Catholic Worker Movement". catholicworker.org. Nakuha noong 2024-03-10.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link) - ↑ 6.0 6.1 6.2 Anglada, Eric (June 17, 2020). "New biography chronicles Dorothy Day's astonishing life in detail". National Catholic Reporter. Nakuha noong 2024-03-10.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link) - ↑ 7.0 7.1 Glickstein, Hannah (2023-11-03). "Let's not canonize Dorothy Day". Catholic Herald. Nakuha noong 2024-03-10.
{cite web}
: CS1 maint: url-status (link)