Pangungusap

Sa linggwistika, ang pangungusap ay lipon ng mga salitang nagpapahayag ng buong diwa. Binubuo ito ng panlahat na sangkap, ang panaguri at ang paksa subalit buo ang diwa.

Ayos ng Pangungusap

May dalawang ayos ang pangungusap, ang karaniwan at di-karaniwan. Kung ang panaguri ay nauuna kaysa simuno, ang pangungusap ay nasa karaniwang ayos; at kung ang simuno naman ang nauuna kaysa sa panaguri, ang pangungusap ay nasa di-karaniwang ayos.

Karaniwan o Tuwid

Kapag nagsisimula sa panaguri at nagtatapos sa simuno.

Halimbawa: Mayroong bagong tsinelas si Ana.

Di-Karaniwan o Kabalikan

Kapag nagsisimula sa simuno at nagtatapos sa panaguri. Ang panandang "ay" ay kadalasang makikita sa mga pangungusap.

Halimbawa: Si Ranilene ay bumili ng bagong tsinelas.

Gamit/Tungkulin ng Pangungusap

Maiuuri rin ang pangungusap bilang pasalaysay o paturol, patanong, pautos, at padamdam:

Pasalaysay o Paturol

Ito ay nagsasalaysay ng katotohanan, opinyon, pahayag, kaisipan o pwede ring pangyayari. Lagi itong nagtatapos sa tuldok (.).

Halimbawa: Unti-unting nakikilala ang mga pangkat-etniko sa ating bansa dahil sa kanilang mga katangian.

Patanong

Ito ay pangungusap na ginagamit sa pagtatanong, at tandang pananong (?) ang bantas sa hulihan nito.

Halimbawa: Isinusulong pa ba ang pagbuo ng mga batas para sa pambansang pangkapayapaan?

Padamdam

Ito ay nagsasabi ng matinding damdamin gaya ng tuwa, pagkagulat, paghanga, panghihinayang at iba pa. Ito ay nagtatapos sa tandang padamdam (!).

Halimbawa: Kay ganda talagang mamasyal sa Davao!

Pautos

Ito ay uri ng pangungusap kung saan ay nakikiusap o nag uutos ito. Ito ay maaring magtapos sa tuldok (.) o tandang padamdam (!).

Halimbawa: Diligan mo ang mga halaman.

Pakiusap

Ito ay uri ng pangungusap na pautos na nagsasaad ng pakiusap. Ito ay madalas na nagtatapos sa tuldok (.) o tandang pananong (?).

Halimbawa: Pakidala mo nga rito ang aking sapatos.

Bahagi/Sangkap ng Pangungusap

Simuno o Paksa

Ito ang pokus o pinag-uusapan sa pangungusap[1]. Ito ay laging tinatadaan ng mga pantukoy na ang, ang mga, si at sina. Ito ay maaaring makita sa unahan, gitna o hulihan ng pangungusap.

Payak ang simuno o paksa kung ito ang/ang mga pangngalan, panghalip, pang-uri o pandiwang pinag-uusapan. Ang buong simuno ay binubuo ng payak na simuno kasama ang iba pang salitang tinatawag na panuring.

Halimbawang Pangungusap Payak na Simuno Buong Simuno
Si Jakie ay umiyak nang umiyak. Jakie Si Jakie
Priniprito ko na ang isda. isda ang isda
Pumunta sa tindahan sina Jared at Jakie. Jared, Jakie sina Jared at Jakie

Panaguri

Ito ang bahagi ng pangungusap na nagsasabi tungkol sa simuno o paksa. Ito ay maaaring matagpuan sa unahan at hulihan ng pangungusap.

Payak ang panaguri kung ito ay ang/ang mga pandiwa, pang-uri, pangngalan o panghalip na nagsasabi tungkol sa simuno. Ang buong panaguri ay ang payak na panaguri kasama ang iba pang salita o panuring.

Halimbawang Pangungusap Payak na Panaguri Buong Panaguri
Ibibili ko ng lolipap si Jakie. ibibili ibibili ko ng lolipap
Isda ang piniprito ng nanay. isda sida
Si jakie ay naalikabukan at napuwing. naalikabukan, napuwing ay naalikabukan at napuwing

Kayarian ng Pangungusap

Ang mga pangungusap ay maaaring pangkatin ayon sa bilang o uri ng diwang bumubuo sa mga ito.

Payak

Ito ay binubuo ng isang buong diwa o isang sugnay na makapag-iisa na binubuo ng:

  • Payak na simuno at payak na panaguri (PS-PP)
    Halimbawa: Ang pamahalaan ay masigasig sa mabilisang pagsugpo ng kriminalidad sa bansa.
  • Payak na simuno at tambalang panaguri (PS-TP)
    Halimbawa: Ang aming pangkat ay naglinis ng mga kalye at nagpinta ng mga pader sa paaralan.
  • Tambalang simuno at payak na panaguri (TS-PP)
    Halimbawa: Ang mga lalaki at babae ay naghahanda ng palatuntunan para sa darating na pista.
  • Tambalang simuno at tambalang panaguri (TS-TP)
    Halimbawa: Ang mga guro at mag-aaral ay aawit at sasayaw para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ang payak ay nangangahulugang isa lamang gaya ng isang simuno, isang panaguri at isang diwa. Ang salitang tambalan ay nangangahulugang dalawa o higit pa gaya ng dalawang simuno at dalawang panaguri.

Tambalan

Ito ay pangungusap na binubuo ng dalawang buong diwa o pangungusap o sugnay na makapag-iisa. Maaaring magkaugnay o magkasalungat ang dalawang diwa nito na pinag-uugnay ng pangatnig. Ang at, ngunit, subalit, datapwat, pero, samantala at habang ay ilan sa mga pangatnig na ginagamit sa tambalang pangungusap.

Halimbawa: Ang nanay niya ay isang guro at ang kanyang tatay ay isang doktor.

Hugnayan

Ito ay pangungusap na binubuo ng isang buong diwa o sugnay na makapag-iisa at isang hindi buong diwa o sugnay na di-makapag-iisa (lipon ng mga salitang may simuno at panaguri na hindi buo ang diwa dahil sa pangatnig sa unahan nito). Ang dahil, kasi, sapagkat, kung, kapag, pag, kaya, upang at para ay mga pangatnig na ginagamit sa hugnayang pangungusap.

Halimbawa: Umiyak ang bata dahil nadapa siya.

Pangungusap na Walang Tiyak o Lantad na Sangkap

May mga pangungusap na walang tiyak na paksa at panaguri o alinman sa mga sangkap nito pero buo pa rin ang diwang ipinapahiwatig nito.

Exsistensyal

Pangungusap na nagpapahayag ng pagkamayroon o pagkawala ng pinag-uusapan.

Halimbawa: Wala na bang darating?

Temporal

Pangungusap na nagsasaad ng kalagayan o panahong panandalian lamang. Madalas ay mga pang-abay na pamanahon ang mga ito.

Halimbawa: Gabi na.

Penomenal

Pangungusap na nagsasaad ng kalagayan ng panahon o ng kapaligiran.

Halimbawa: Umaambon.

Panawag

Pangungusap na binubuo ng isang kataga/salita lamang at nagpapahiwatig na nais kausapin ang kaniyang tinawag o kumukuha lamang atensyon.

Halimbawa: Hoy!

Sambitla

Isang salita na nagpapahayag ng matinding damdamin.

Halimbawa: Aray!

Pormularyong Panlipunan

Pangungusap na ginagamit sa pakikipagkapwa para maipahayag nang maayos ang mensahe. Maaari itong pagbati, pasasalamat, paggalang o iba pang ekspresyong naging bahagi na sa kultura.

Halimbawa: Salamat.

Sagot Lamang

Pangungusap na sagot sa mga tanong na hindi na kailangan ng paksa.

Halimbawa: Oo.

Pautos/Pakiusap

Pangungusap na pautos.

Halimbawa: Pakihawak.

Mga Sanggunian

Mga Sipi

  1. Sinamar 7 by Maria Eliza Lopez, Erleen Ann P. Lorenzo, Teody C. San Andres, Ma. Lordes R. Quijano, Jocelyn D.R. Canlas, Mercy M. Edma ISBN 978-971-014-355-9 p. 39-40

Mga Pinagkukunan

  • Bagong Likha: Wika at Pagbasa 4, by Ester V. Raflores ISBN 978-971-655-331-4, pp. 43, 62, 75, 90, 106-107
  • Sinamar 7 by Maria Eliza Lopez, Erleen Ann P. Lorenzo, Teody C. San Andres, Ma. Lordes R. Quijano, Jocelyn D.R. Canlas, Mercy M. Edma ISBN 978-971-014-355-9 p. 51-52