Katas (inumin)

Isang baso ng katas ng kahel

Ang katas o dyus ay inumin na gawa sa pag-eekstrakto o pagpipiga upang makuha ang likas na nilalamang likidong sa mga prutas at gulay. Maaari rin itong tumukoy sa mga likido na hinaluan ng konsentrado o iba pang mapagkukunan ng pagkaing biolohikal, tulad ng karne o lamang-dagat, gaya ng katas ng kabibe. Karaniwang kinokonsumo ang katas bilang inumin o ginagamit bilang sangkap o pampalasa sa mga pagkain o iba pang inumin, kagaya ng mga smoothie. Sumikat ang pag-iinom ng katas noong nagkaroon ng mga paraan ng pasteurisasyon na nagbigay-daan sa preserbasyon na walang pagbuburo (na ginagamit sa produksiyon ng alak).[1] Ang mga pinakamalakas sa pag-iinom ng katas ng prutas ay Bagong Silandiya (halos isang tasa, o 8 onsa, bawat araw) at Kolombiya (higit sa tatlong kapat ng tasa bawat araw). Sa katamtaman, tumataas ang pag-iinom ng katas ng prutas kapag tumataas ang antas ng kita sa bansa.[2]

Paghahanda

Hinuhugasan ang mga granada bago iproseso sa isang pabrika ng konsentradong prutas.

Nakukuha ang katas sa mekanikal na pagpiga o pagmasera (tinatawag minsan na malamig na pagpiga[3]) ng laman ng prutas o gulay nang hindi pinapainit o nilalagyan ng pantunaw. Halimbawa, ineekstrakto ang likido mula sa bungang kahel para makuha ang katas nito, at nakukuha ang katas ng kamatis sa pagpipiga sa bungang kamatis. Maaaring katasin ang mga sariwang prutas at gulay sa bahay gamit ang iba't ibang uri ng pampiga o juicer, manu-mano man o de-kuryente. Sinasala ang karamihan ng mga komersyal na katas para matanggal ang himaymay o lamukot, ngunit sikat din ang malamukot na katas ng kahel. Nilalagyan ng aditibo sa ilang katas, tulad ng asukal at mga lasang artipisyal (sa ilang inuming batay sa katas ng prutas) o pampalinamnam (hal. sa mga inuming Clamato at Caesar na batay sa katas ng kamatis). Kabilang sa mga karaniwang paraan ng pagpepreserba at pagpoproseso ng katas ang paglalata, pasteurisasyon, pangongonsentrado,[4] pagyeyelo, ebaporasyon, at pagwiwisik-tuyo.

Bagama't nag-iiba ang pagpoproseso ng bawat katas, kabilang sa mga karaniwang pagproseso ng mga katas ang mga sumusunod:[5]

  • Paghuhugas at pagbubukod ng pinagkukunan ng katas
  • Pag-eekstrakto ng katas
  • Pagsasala at klaripikasyon
  • Pasteurisasyon
  • Pagpupuno, pagtatakip at isterilisasyon
  • Pagpapalamig, pagtatatak at pag-iimpake

Mga sanggunian

  1. Ryan A. Ward (2011-05-01). "A Brief History of Fruit and Vegetable Juice Regulation in the United States". Works.bepress.com. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2015-02-14. Nakuha noong 2015-12-27.
  2. Singh, Gitanjali M.; Micha, Renata; Khatibzadeh, Shahab; Shi, Peilin; Lim, Stephen; Andrews, Kathryn G.; Engell, Rebecca E.; Ezzati, Majid; Mozaffarian, Dariush; Müller, Michael (5 Agosto 2015). "Global, Regional, and National Consumption of Sugar-Sweetened Beverages, Fruit Juices, and Milk: A Systematic Assessment of Beverage Intake in 187 Countries" [Konsumong Pandaigdig, Panrehiyon, at Pambansa ng Mga Inuming Pinatamis ng Asukal, Katas ng Prutas, at Gatas: Isang Sistematikong Pagsusuri ng Pagkonsumo ng Inumin sa 187 Bansa]. PLOS ONE (sa wikang Ingles). 10 (8): e0124845. Bibcode:2015PLoSO..1024845S. doi:10.1371/journal.pone.0124845. PMC 4526649. PMID 26244332.
  3. "Juicer Types: The Difference Between Cold Press Juicers vs. Centrifugal Juice Extractors" [Mga Uri ng Pampiga: Ang Pagkakaiba ng Pangmalamigang Pampiga kontra sa Sentripugal na Ekstraktor ng Katas] (sa wikang Ingles). Huffingtonpost.com. 2013-02-08. Nakuha noong 2014-08-25.
  4. "Understanding Concentrated Juice" [Pag-unawa sa Konsentradong Katas]. Fitday (sa wikang Ingles).
  5. "Fruit Juice Processing, Fruit Juice Powder Plant, Fruit Juice Processing Plant, Juice Powder Plant" [Pagproseso ng Katas-prutas, Planta ng Pulbosadong Katas-prutas, Planta ng Pagproseso ng Katas-prutas, Planta ng Pulbosadong Katas]. sspindia.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Mayo 2015. Nakuha noong 7 Mayo 2015.