Aklat ni Oseas

Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ni Oseas[1] o Aklat ni Hosea[2] ay isang aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Inakdaan ito ng propetang si Oseas at itinuturing na isang salaysay ng pag-ibig.[3]

Nilalaman ng akda

Si Propeta Oseas.

Naglalaman ang Aklat ni Oseas ng mga panghuhula ni propeta Oseas na binubuo ng dalawang pangkat. Tinatalakay sa unang pangakat, mga kabanata 1 hanggang 3, ang pagmamahal at pagkakaroon ng awa ng Diyos sa Israel. Kinakatawan ito ng "isang matalinghalagang kasal" ng propeta. Samantalang sa ikalawang pangkat, mula kabanata 4 hanggang 14, pinangaralan ni Oseas ang bayang Israel dahil sa mga naging pagkukulang at pagiging taksil nito sa Diyos. Sa bahaging ito rin hinimok ni Oseas ang kaniyang sambayanan upang umiwas sa kaparusahang ipapataw ng Diyos.[1]

Naging lubos ang pagkabahala ni Oseas sa pagkakaroon ng mga diyus-diyosan ng sinaunang mga Israelita, kaya't pinaunlad niya ang paksa hinggil sa apostasya[4] ng Israel, o ang pagtatakwil ng mga Israelita sa sarili nilang pananampalataya.[4][5] Nagwawakas ang aklat sa isang pangakong muling magbabalik ang Israel sa dati nitong katayuan, sa kalaunan.[5]

Itinuturing na isang salaysay ng pag-ibig ang Aklat ni Oseas sapagkat inihambing ni Oseas sa kaniyang sariling karanasan sa pagkakaroon ng isang asawang patutot at naging taksil sa pagmamahal ng propeta.[3] Kung paanong pinagtaksilan ni Gomer si Oseas, ganoon din ang ginawa ng mga kababayan ni Oseas sa Diyos.[6]

Kaugnayan sa Bagong Tipan

Kahawig ang kabuoran ng mga pangaral ni Oseas ang diwang matutuklasan mula sa mga pahina ng Unang Sulat ni Pedro (1 Pedro 2,10 at Sulat sa mga taga-Roma (Roma 9, 25-26) sa Bagong Tipan ng Bibliya.[1] Nagpatuloy ang paggamit ng sagisag ni Oseas, partikular na paglalarawan at paghahambing ni Oseas sa ugnayan ng Diyos at ng mga mamamayang Israelita bilang isang kasal, sa Bagong Tipan ng Bibliya. Sa Bagong Tipan, ang Simbahan ang babaeng pakakasalan ni Hesus.[5]

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Abriol, Jose C. (2000). "Oseas". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
  2. Long, Dolores; Long, Richard (1905). "Hosea". Ang Dating Biblia (Ang Biblia/Ang Biblia Tagalog), wika: Tagalog/Pambansang Wika ng Pilipinas, nasa dominyong publiko. Online Bible, Byblos.com.
  3. 3.0 3.1 "Hosea". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.
  4. 4.0 4.1 Gaboy, Luciano L. Apostasy, apostasya - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  5. 5.0 5.1 5.2 Reader's Digest (1995). "Hosea". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.
  6. "Aklat ni Oseas". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.

Panlabas na kawing